Nagbabadyang tumaas ang singil sa kuryente sa mga residente ng Aklan sa sandaling tuluyan nang isara ang isla ng Boracay sa Abril 26 bagama’t sapat pa naman ang suplay ng kuryente rito.
Ayon iyan sa ALEKO o Aklan Electric Corporation ay dahil sa mga isasagawang proyekto sa isla gayundin ang bawas sa kanilang koleksyon dahil sa kanilang power purchase agreements.
Tinatayang nasa mahigit isandaang (100) milyong piso ang malulugi sa ALEKO dahil kinakailangan nitong magbayad sa apat na power generators para sa 42 megawatts na kuryente, nagamit man o hindi.
Gayunman, posibleng magkaroon pa ng pagbabago sa nakaambang taas singil sa kuryente sa sandaling isailalim sa state of calamity ang isla dahil tiyak na ipagpapaliban ang rate increase.
Nakatakda ring sumulat ang ALEKO sa konseho ng lokal na pamahalaan ng Aklan para hilingin nito ang pagpasa ng isang resolusyon na humihingi ng tulong sa National Electrification Administration o NEA para sa mga itatayong poste sa isla.
—-