Kumambiyo ang Manila Electric Company o MERALCO sa nauna nitong pahayag hinggil sa power rate adjustment para sa buwan ng Agosto.
Ayon kay Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng MERALCO, ito’y makaraang makapagsumite ng billings ang MERALCO sa kanilang mga suppliers kung saan, lumabas sa kuwentahan na bababa pa ang generation charge, transmission cost at taxes para sa buwang ito.
Ibig sabihin, sa halip na tumaas, bababa pa ng P0.26 kada kilowatt hour ang singil ng MERALCO matapos ang sunud-sunod na buwan ng reduction sa overall electricity rates para sa mga konsyumer.
Katumbas ito ng P52.56 pesos na bawas singil para sa mga kumokonsumo ng 200 kilowatt per hour, P78.83 pesos naman para sa mga kumokonsumo ng 300 kilowatt per hour, P105.11 pesos naman para sa 400 kilowatt per hour at P131.29 pesos para sa 500 kilowatt per hour.
Magugunitang inihayag ng MERALCO na magkakaroon ng pagtaas sa singil sa kuryente ngayong buwan bunsod ng mga naranasang kakapusan sa suplay ng kuryente nitong nakalipas na hulyo na pinangangambahang magresulta sa pagtaas ng generation charge.
By Jaymark Dagala