Nagkasundo na ang mga Alkaldeng miyembro ng Metro Manila Council, Land Transportation Office at Department of Interior and Local Government na magpatupad ng Single Ticketing System sa unang quarter ng susunod na taon.
Sa ilalim ng Single Ticketing System, magiging standardized o magkakaparehas na ang halaga ng multa sa traffic violations sa National Capital Region.
Nagkasundo rin ang Metro Manila Mayors na magpatupad ng moratorium sa pagkumpiska sa driver’s licenses ng traffic violators, maging sa interconnectivity sa LTO upang mapabilis ang pagtukoy sa mga driver na may multiple violations.
Ito, ayon kay MMDA Acting Chairman Romando Artes, ay bilang tugon sa panawagan ni Interior secretary Benhur Abalos kaugnay sa pagkumpiska lisensya ng mga lumalabag na motorista.
Alinsunod sa moratorium, wala ng confiscation ng lisensya sa Metro Manila subalit ililista lamang ng mga LGU ang mga mahuhuli at ibibigay sa LTO upang i-record.
Pero kung hindi naman matutubos ay masususpinde ang lisensya ng mga traffic violator at sakaling lumampas ng sampung araw ay papatawan na ng interes at hanggang sampu lamang ang pinapayagang paglabag bago tuluyang kumpiskahin ang lisensya.
Sa sandaling ipatupad, halimbawa kung ang motorista ay taga-Bulacan at nakagawa ng traffic violation sa Pasig City, maaari itong magbayad ng multa kung saan siya malapit sa halip na pumunta pa sa naturang lungsod.