Pinababalik sa puwesto ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) secretary Erwin Tulfo ang dalawang opisyal ng ahensya sa Region 4A makaraang sibakin dahil sa umano’y pagkukulang sa pamamahagi ng mga ayuda para sa mga biktima ng Bagyong Paeng.
Kinilala ang dalawang opisyal na sina DSWD Region 4A Director Barry Chua at assistant director Mylah Gatchalian.
Matatandaang sinibak ni Tulfo ang dalawa makaraang magreklamo si Noveleta mayor Dino Chua, na pinahihirapan umano ng DSWD ang mga biktima ng bagyo at hinihingian pa ng maraming dokumento.
Sa lumabas na resulta sa imbestigasyon ng DSWD Central Office, walang naging pagkukulang ang mga opisyal at tauhan ng DSWD Region 4A hinggil sa pamamahagi ng ayuda dahil lahat umano ng mga pamilyang naapektuhan ng Bagyong Paeng sa Noveleta, Cavite ay nakatanggap ng food packs.
Iginiit ni Tulfo, na ang naging problema lang sa 500 residente na dala umano ng LGUs, ay 200 lang ang nasa listahan kung saan, 300 dito ang hindi umano kilala ng mga barangay officials na nakatalaga sa payout site.