Ipinagtanggol ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia ang dating hepe ng Provincial Police Office (PPO) na sinibak sa pwesto dahil sa pagsuporta sa direktibang gawing “optional” na lamang ang pagsusuot ng face masks.
Tinawag ni garcia na “public shaming” ang ginawa ni acting PNP Chief, Lt. Gen. Vicente Danao na pagsibak sa pwesto kay Col. Engelbert Soriano.
Dapat anyang respetuhin ng sinumang uniformed officer ang kapwa nito opisyal kung ginagampanan lamang ang tungkulin na sa tingin nila ay alinsunod naman sa batas.
Aminado ang gobernadora na mananahimik na lamang sana siya sa pagkaka-relieve kay Soriano dahil naiintindihan naman niya ang proseso sa PNP, pero nakatawag-pansin sa kanya ang panghihiya ni Danao.
Hunyo 12 nang sibakin sa pwesto si Soriano bilang Cebu Provincial Police Director o isang araw matapos magpahayag ng suporta sa executive order ni Garcia na gawing “optional” ang paggamit ng face masks.