“The Filipino is worth dying for.”
Ito ang mga naiwang salita na habambuhay nang kadikit ng pangalang ‘Ninoy Aquino’.
Bukod sa siya ang mukha ng limandaang pisong papel,
at sa kanya kinuha ang pangalan ng paliparan ng bansa,
sino nga ba si Benigno Simeon Aquino Jr. o mas kilala sa tawag na “Ninoy“?
Isang tanyag na mamamahayag at pulitiko si Ninoy.
Ipinanganak noong ika-27 ng Nobyembre, taong 1932.
Nagsilbi bilang alkalde, bise gobernador at gobernador sa bayan ng Concepcion sa Tarlac.
Isang senador sa ikapitong kongreso at pinakamatinding katunggali sa politiko ni dating pangulong Ferdinand Marcos.
Nang buwagin ang kongreso at ideklara ang batas militar noong taong 1972, si Ninoy ang pinaka-unang inaresto.
Pitong taon siyang nasa bilangguan sa pagkakasakdal sa kasong pagpatay, subersiyon at iligal na pagmamay-ari ng mga armas.
Matapos ang pitong taon ay pinayagang magpagamot ng kanyang karamdaman sa puso sa ibang bansa partikular na sa Estados Unidos.
Tatlong taon matapos lumayo ng bansa, ika-21 ng Agosto, taong 1983, bumalik si Ninoy sa Maynila, sinalubong ng mga kababayang Pilipino, ngunit binaril bago pa man makatapak sa tarma.
Ang pagpaslang kay Ninoy ang nagtulak sa milyong Pilipino na maglunsad ng kaliwa’t kanang kilos protesta kontra sa diktaturyang Marcos.
Humantong sa EDSA People Power Revolution noong ika-22 hanggang ika-25 ng Pebrero, taong 1986, na tuluyang nagpabagsak sa naghaharing rehimeng Marcos.
Mula noong ika-25 ng Pebrero taong 2004, kung saan nilagdaan ni dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang Republic Act 9256 na nagpapahayag na ang ika-21 ng Agosto bilang isang national holiday.
Ito’y upang gunitain ang katapangan at kontribusyon sa kalayaan at demokrasya ng pinaslang na si Ninoy.
Ikaw na mamamayan ng Pilipinas, sino si Ninoy para sa ‘yo?