Pormal nang magbubukas ngayong araw ang iba’t ibang mga aktibidad kaugnay ng Sinulog Festival ng Cebu at Dinagyang Festival sa Iloilo para sa taong ito.
Ayon sa Iloilo Convention and Visitors Bureau, alas-2:00 mamayang hapon, isang misa ang isasagawa sa San Jose Parish sa Placer na susundan ng parade.
Carousel ang magiging tema ng opening salvo parade para sa taong ito kung saan, sampung tribu ang lalahok naman sa Ati-Atihan competition.
Alas-2:00 din mamayang hapon, pangungunahan ni Cebu Archbishop Jose Palma ang isang misa sa Basilika ng Sto. Niño na susundan ng opening parade patungo sa Fuente Osmeña.
Sa Enero 21, araw ng Linggo ang highlight ng mga naturang pagdiriwang kasabay ng Pista ng Senyor Sto. Niño na ginugunita naman sa buong bansa.
‘Security’
Maraming pagbabagong ipatutupad ang Regional Office 7 ng Philippine National Police o PNP kaugnay ng seguridad para sa taunang Sinulog Festival ngayong taon.
Ayon kay Supt. Reyman Tolentin, tagapagsalita ng PRO-7, bawal na ang pagtitinda ng mga lobo dahil ito aniya ang naging sanhi ng brownout sa Cebu City noong nakalipas na taon.
Mahigpit din aniyal nilang ipagbabawal ang pagse-selfie sa prusisyon ng Senyor Sto. Niño sa mismong araw ng Sinulog dahil posible itong maging sanhi ng disgrasya at inconvinience sa mga dadalo sa okasyon.
Sinabi pa ni Tolentin na nakikipag-ugnayan na rin sila sa Bureau of Immigration para tutukan ang mga dayuhang papasok sa Cebu partikular iyong mga magmumula sa Arab countries sa pangambang makapasok ang mga terorista.
Kahapon, tinatayang aabot sa 80,000 ang mga nakilahok sa isinagawang opening salvo ng Sinulog Festival kasabay ng unang araw ng pagnonobena para sa Senyor Sto.Niño de Cebu.
—-