Umarangkada na ang mga aktibidad at programa para sa taunang Sinulog Festival o ang pista ng Señor Sto. Niño ng Cebu.
Kahapon, nagbukas ang Sinulog Festival ng isang makulay na parada na nilahukan ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang pamantasan sa lungsod.
Nagsimula ang aktibidad sa isang banal na misa sa Basilika Minore ng Sto. Niño at sinundan naman ito ng isang street dance sa kahabaan ng Colon street at Osmeña boulevard.
Sa Enero 20 naman na mismong araw ng pista ng Señor Sto. Niño isasagawa ang grand parade na may temang “One Beat, One Dance for the World”.
Maliban sa mga kalahok mula sa iba’t ibang panig ng bansa, tampok din sa naturang parada ang ilang mga panauhin mula sa Wonju, South Korea.
“No Backpack Policy”, idinepensa
Umapela si Cebu Mayor Tomas Osmeña sa lahat ng mga debotong lalahok para sa taunang Sinulog Festival kaugnay ng pista ng senyor Sto. Niño.
Sa social media post ng alkalde, idinepensa nito ang ipinatutupad nilang “No Backpack Policy” kung saan, walang papayagang magdala ng bag sa mga lugar na pagdarausan ng aktibidad.
Paliwanag ng alkalde, layon ng naturang polisya na isara ang anumang pagkakataon para sa mga masasamang elemento na makapaghasik ng takot at lagim sa mga deboto.
Giit pa ni Osmeña, bahagi aniya iyon ng security measures na kanilang ipinatutupad kaya’t dapat na makiisa ang lahat ng mga lalahok sa pagdiriwang para na rin sa kanilang kaligtasan.