Idinaan na lang sa throwback ng Cebu City government ang kanilang magarbong Sinulog festival sa pamamagitan ng online viewing.
Ito ang naging hakbang ng pamahalaang lokal ng Cebu City matapos kanselahin ang lahat ng pisikal na aktibidad nito dahil sa nagpapatuloy na banta ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Sinulog organizer chairman at Cebu City Vice Mayor Michael Rama, tampok sa Sinulog rewind ang lahat ng magagandang ritual, street dancing, puppeteer at iba pa.
Isang misa rin ang idinaos kaninang alas 9:00 ng umaga sa Pilgrim center na nasa harap ng basilika ng Senyor Sto. Niño De Cebu subalit sa limitadong kapasidad lamang.
Mahigpit din ang pagpapapasok ng pulisya sa basilika grounds kung saan, maaari lamang manatili ng 15 hanggang 30 segundo ng isang deboto upang makapag-alay ng panalangin.