Tinutulan ng isang mambabatas ang isinusulong na imbestigasyon ng kamara sa OCTA Research Group na nagbibigay ng projections at babala kaugnay sa COVID-19.
Ayon kay deputy speaker at Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, sa halip na imbestigahan ang OCTA, dapat ay ituring silang bayani sa gitna ng kinakaharap na laban sa COVID-19.
Giit ni Rodriguez, dapat ay suportahan ang grupong ito dahil nakakatulong sa bansa na labanan ang COVID-19 dahil sa mga projections at babala na kanilang inilalabas.
Sinabi ng mambabatas na ang mga inilalabas na pag-aaral ng grupo ay accurate at suportado ng mga datos.
Kaugnay nito, nanawagan si Rodriguez sa limang kapwa niya mambabatas na iurong na ang isinusulong na imbestigasyon sa grupo dahil pagsasayang aniya lang ito ng oras, pagod at maging ng pera ng taumbayan.