Hindi uubrang arestuhin si CPP-NPA-NDF founding chairman Jose Maria Sison.
Ayon ito kay Atty. Edre Olalia ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) at dating consultant sa peacetalks ng gobyerno at CPP-NPA-NDF.
Binigyang diin ni Olalia na si Sison ay isang refugee at nasa ilalim ng political asylum sa The Hague, Netherlands kung saan walang extradition na umiiral ang Pilipinas kaya’t walang legal na prosesong umiiral para mapabalik ito ng Pilipinas at maaresto.
Bukod ditto, sinabi pa ni Olalia na kuwestiyonable rin ang arrest warrant na inisyu ni Judge Thelma Bunyi-Medina ng Manila Regional Trial Court (RTC) na nag-aatas sa law enforcement agency na arestuhin ang grupo ni Sison dahil sa kasong multiple murder nang matagpuan ang mass grave sa Inopacan, Leyte noong dekada otsenta.
Tinukoy din ni Olalia na ang mga buto o skeleton na ginamit na ebidensya laban sa grupo ni Sison ay travelling skeleton dahil ilang beses na aniyang ginamit ang mga ito bilang ebidensya sa mga kaso sa magkakaibang korte na ibinasura lamang ng mga hukuman. — ulat mula kay Aya Yupangco (Patrol 5)