Nagpahayag ng pag-aalinlangan ang komunistang grupo sa idineklarang tigil putukan ni Pangulong Rodrigo Duterte habang nahaharap sa problema sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang bansa.
Ayon kay National Democratic Front Chief Political Consultant At Communist Party Of The Philippines founding Chairman Jose Maria Sison, isa kanilang pinagdududahan ay ang ipinatutupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Sinabi ni Sison, hindi paglaban sa COVID-19 ang layunin ng paglalagay ng military lockdown sa Luzon.
Kundi ang magtanim aniya ng takot sa mga tao, hadlangan ang karapatan sa kalayaan, labagin ang karapatang pantao at pigilan ang mga tao sa paghahanapbuhay.
Iginiit ni Sison, patuloy pa rin ang AFP at PNP sa kanilang mga gawain tulad ng redtagging, pagdukot at pagpatay sa mga aktibista at pag-atake sa guerilla front ng New People’s Army (NPA).
Dagdag ni Sison, bagama’t nagpapatuloy ang pag-uusap sa pagitan ng government peace panel at NDFP, wala naman aniyang napagkasunduan hingil sa pagdedeklara rin ng tigil putukan ng mga komunistang grupo bilang konsiderasyon sa sitwasyon.