Posibleng gawin nang online ang meeting ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte upang makatulong sa pagpapagaan sa daloy ng trapiko.
Ayon kay Secretary Eliseo Rio ng Dept of Communications and Information Technology, target niyang mai set up ngayong taon ang sistema para sa teleconferencing.
Maliban sa cabinet meetings, maaari rin anya itong magamit ng cabinet clusters at pulong ng mga regional offices ng pamahalaan.
Binigyang diin ni Rio ang malaking tulong ng teleconferencing para mapagaan ang daloy ng trapiko lalo na kung gagamitin rin ito ng pribadong sektor.
Para na rin anyang bumiyahe mula Cubao hanggang Makati sa loob ng limang minuto kung magiging online na lamang ang mga pulong.
Pinuna ni Rio na halos 20,000 maliliit na pulong sa Metro Manila pa lamang ang nangyayari araw araw at nakapaloob sa mga meeting na ito ang nasa 50,000 mga sasakyan na pwedeng matanggal sa kalsada sa pamamagitan ng online meeting.