Dedesisyunan na ng Commission on Elections o COMELEC sa buwan ng Hulyo kung anong sistema ang gagamitin sa 2016 national elections.
Aminado si COMELEC Chairman Andres Bautista na nagagahol na sila sa panahon ng paghahanda para sa eleksyon.
Sa ngayon ay kasalukuyan anya ang parallel bidding para sa repair, upgrade at refurbishment ng nasa 80,000 PCOS machines na ginamit noong 2010 at 2013 elections at para sa mga bagong makina na gagamitin sa eleksyon.
Ayon kay Bautista, mayroon silang tatlong pinagpipiliang sistema para sa eleksyon, una ay ang mga luma pero refurbished na PCOS machine, pagbili ng bago o hybrid elections na tulad ng mungkahi ng grupo nina dating COMELEC Commissioner Gus Lagman.
Sa ilalim ng hybrid elections, mano-mano ang gagawing bilangan subalit automated ang gagawing canvassing ng mga boto.
Upang matiyak ng COMELEC kung mabilis o mahirap itong gawin, nakatakda silang magsagawa ng mock elections sa isang public school sa Bacoor Cavite sa araw ng Sabado.
“Pero bago kami mag-decide ang akin din pong pangako ay kami po ay sasanguni at makikipag-konsulta sa mga iba’t-ibang sektor, yung mga stakeholder sa halalan tulad ng ating mga teacher, ang ating mga COMELEC field personnel, mga election watchdog, ang ating mga mambabatas, kailangan po natin silang tanungin kung ano ang pinaka-angkop pero kailangan din po naming sabihin ano yung mga option.” Paliwanag ni Bautista.
By Len Aguirre