May isang buwan pa uubrang umapela ang madreng Australiyana na si Sister Patricia Fox matapos ibasura ng Bureau of Immigration (BI)ang motion for reconsideration (MR) sa deportation issue na kinakaharap nito.
Sinabi sa DWIZ ni Dana Sandoval, tagapagsalita ng BI na maaari pang dumulog sa Office of the President at DOJ si Sister Fox kaugnay sa pagbasura sa MR nito.
Naninindigan aniya ang BI sa paglabag ng dayuhang madre sa mga kondisyon sa pananatili nito sa bansa at kahit kailan ay hindi na ito dapat makapasok ng Pilipinas.
Maaari pa po siyang mag-apela kung gusto niya sa DOJ or Office of the President. Kaakibat din pa nito may blacklisting…. so hindi po siya papapasukin sa susunod. Pahayag ni Sandoval
Sister Fox isusumite na sa lunes ang apela nito kaugnay sa deportation order
Isusumite na sa lunes ng kampo ni Australian missionary Sister Patricia Fox ang apela sa DOJ kaugnay ng deportation order ng Bureau of Immigration.
Iginiit ng kampo ni Fox na hindi naging patas ang Immigration sa mga usaping ipino-protesta nila hinggil sa missionary visa extension ng madre.
Ayon pa kay Atty. Joel Pahilga, abogado ni Fox, paninindigan nila ang kanilang pinalakas na mga argumento para mabigyan ng bigat ng Immigration ang usapin.
Samantala, nanindigan si Fox na wala siyang ginagawang masama sa ilang taong pananatili sa Pilipinas bilang missionary.
Hindi aniya makatuwiran ang pagpapa-deport ng gobyerno sa mga misyonaryong nakikilahok sa mga pagkilos.