Inihayag ng Philippine Ambassador to China na si Jaime FlorCruz na under control na ang sitwasyon ng COVID-19 sa nasabing bansa.
Sa kabila ito ng patuloy na pagtaas ng kaso ng sakit nitong nakalipas na linggo, na nagresulta ng maraming pagkasawi at punuang mga ospital.
Ayon kay FlorCruz na kasama sa state visit ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Junior, batay sa lagay ng trapiko mula sa airport ng nabanggit na bansa ay masasabing normal na ang lagay ng mga tao.
Gayunpaman, hindi maibigay ni FlorCruz ang bilang ng mga impeksyon, partikular sa mga Pilipino.
Una rito, sinabi ng Office of the Press Secretary na negatibo sa COVID-19 sa pamamagitan ng RT-PCR test ang buong delegasyon maging si Pangulong Marcos nang dumating sa China.
Dismayado naman ang mga miyembro ng Filipino community na hindi makikipagkita sa kanila si PBBM, gayunpaman, idinagdag ni FlorCruz na naiintindihan nila ang sitwasyon dahil sa banta ng COVID-19.