Tinututukan na ng Department of Labor and Employment o DOLE ang sitwasyon ng mga Overseas Filipino Worker o OFW sa Qatar.
Ito’y makaraang putulin ng ilang Arab nation ang kanilang diplomatic ties sa Qatar dahil umano sa akusasyong sumusuporta ang naturang bansa sa mga teroristang grupo.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, nakahanda sila na magpaabot ng anumang tulong sa tinatayang limampung libong (50,000) Pinoy sa Qatar.
Samantala, mahigpit ding minomonitor ng Department of Foreign Affairs o DFA ang sitwasyon sa Gulf Region at tiniyak na walang magiging epekto sa mga OFW ang diplomatic crisis sa Middle East.
PH Embassy advisory
Samantala, naglabas na ng advisory ang Philippine Embassy sa Doha hinggil sa pagkakaputol ng diplomatic relations ng Qatar sa ilang kapwa Arab nation.
Pinayuhan ng embahada ang mga Filipino na konsultahin muna ang kanilang mga employer at travel agent upang matiyak na hindi mababalam ang kanilang biyahe.
Ito’y makaraang ilang flights ang kinansela patungo at palabas ng Qatar.
Nananawagan din ang Philippine Embassy sa mga OFW sa Qatar na maging kalmado at i-monitor ang sitwasyon.
Ikinagulat naman ng mga Overseas Filipino Worker sa Middle East ang pag-pull-out ng ilang Arab nation sa kanilang diplomatic ties sa Qatar.