Nananatili sa Alert level 3 ang sitwasyon sa Taal volcano kung saan, nangangahulugan ito na mayroong magmatic intrusion na maaaring magdulot ng mas malalang pagsabog sa main crater nito.
Mahigpit na pinapaalalahanan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang publiko partikular ang mga residenteng nakatira sa mga barangay Bilibinwang at Banyaga; Agoncillo at Boso-Boso; Gulod at Eastern Bugaan East, Laurel, sa Batangas Province na lumikas na sa lalong madaling panahon dahil sa posibleng muling pagsabog ng bulkan.
Sa panayam ng DWIZ kay PHIVOLCS Director Renato Solidum, kanila nang inabisuhan ang Civil Aviation Authorities na iwasang lumipad sa paligid ng Taal volcano dahil ang airborne ash at ballistic fragment mula sa biglaang pagsabog at pyroclastic density currents gaya ng base surge ay maaaring magdulot ng mga panganib.
Ayon kay Solidum, nakapagtala na ng 14 na pagyanig ang Taal volcano kayat patuloy itong binabantayan ng kanilang ahensya. —sa panulat ni Angelica Doctolero