Patuloy na minomonitor ng mga tauhan ng metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang sitwasyon ng trapiko sa Timog Flyover Southbound.
Ito ay matapos isara noong Sabado ang nasabing lugar upang bigyang-daan ang pagkukumpuni sa mga sirang kalsada na tatagal sa loob ng isang buwan.
Katuwang ng MMDA sa mahigpit na pagbabantay ang mga kinatawan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), PNP Highway Patrol Group (PNP-HPG), at Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT).
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Romando Artes, naglagay sila ng karagdagang mga tauhan na magmamando sa daloy ng trapiko sa mga apektadong lugar.
Bukod pa dito, pinaigting din ng ahensya ang clearing operation para alisin ang mga nakahambalang at iligal na nakaparking sa mga pangunahing kalsada.
Naglagay na rin ang MMDA ng karagdagang directional signages bilang gabay sa mga motorista sa mga alternatibong ruta.
Sa datos ng MMDA Traffic Engineering Center, nasa mahigit 100K sasakyan kada araw ang dumaraan sa nabanggit na lugar.
Nasa 57,354 naman na mga sasakyan ang gumagamit sa Flyover habang 51,770 naman na mga sasakyan ang dumaraan sa Service Road.