Nangangamba ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System sa magiging sitwasyon ng tubig sa Angat dam sakaling tumama ang El Niño sa susunod na buwan.
Kasunod ito ng naging pahayag ng PAGASA Weather Bureau na siyamnapung porsyento ang posibilidad na maitala ang El Niño phenomenon sa June na tatagal hanggang sa buwan ng August.
Sa panayam ng DWIZ, nilinaw ni MWSS Deputy Administrator Jose Dorado, na nasa safe zone parin ang bansa at hindi pa bumababa ang operating period ng Angat dam na nasa 180 meters na water level.
Aminado si Administrator Dorado, na talagang natutuyo at nababawasan ang tubig sa mga water reservoir tuwing summer season.
Iginiit naman ng MWSS na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa National Water Resources Board para masolusyonan ang alokasyon ng tubig sa bansa.