Balik na sa normal ang sitwasyon sa Baguio City.
Ito ay kasunod ng ulat na nalubog sa tubig baha ang lungsod sa gitna ng pananalasa ng bagyong Ompong sa Hilagang Luzon.
Ayon kay Baguio City Mayor Mauricio Domogan, agad ding humupa ang tubig sa lansangan ng Baguio matapos humina ang buhos ng ulan.
Sadya lamang aniyang hindi normal ang ibinagsak na ulang dala ng bagyong Ompong kaya nakaranas ng pagbaha ang Baguio City.
“760mm ang inabot ng volume of water na ibinagsak sa Baguio City, ‘yan ang dahilan, hindi makakaya ng drainage ng national roads ang floodwater, ang i-fineature ng iba na lumubog ang syudad pero hindi totoo ‘yan, immediately after humina ang ulan Saturday evening nag-normalize ang flow ng tubig sa mga drainage.” Ani Domogan
Dagdag ni Domogan, nadadaanan na rin aniya ang lahat ng kalsada sa Baguio City kabilang na ang Naguilian Road at Marcos Highway bagama’t patuloy pa ang clearing operations sa Kennon Road.
Patuloy din aniya ang restoration sa supply ng kuryente sa ilang bahagi ng lungsod.
Gayunman, ikinalulungkot ni Domogan na umabot pa rin sa siyam ang nasawi sa lungsod sa gitna ng pananalasa ng bagyong Ompong habang nasa limang iba pa ang nawawala.
“Very sad na meron kaming casualties, meron kaming 9 na na-recover at may 5 pang missing, ‘yang limang nawawala ang assessment ng ating team ay baka patay din sila so kung sakaling hindi na natin ma-recover na buhay then we have a total of 14 casualties in Baguio.” Dagdag no Domogan
(Balitang Todong Lakas Interview)