Ikinabahala ni Senador JV Ejercito ang sitwasyong pinansyal ng PhilHealth o Philippine Health Insurance Corporation matapos na matuklasan sa kanilang isinagawang joint congressional review ang nasa 10.6 na bilyong pisong pondo nito sa Department of Health.
Ayon kay Ejercito, Chairman ng Joint Congressional Oversight Panel, kinuha ang nasabing pera sa pondo para sa mga senior citizens at inilipat sa health facilities enhancement program ng DOH noong 2015.
Sinabi ni Ejercito, lumabas sa kanilang imbestigasyon na hindi alam ng PhilHealth Board ang nasabing paglilipat ng pondo na inaprubahan nina dating Health Secretary Janette Garin at dating PhilHealth President Alex Padilla.
Ito aniya ang dahilan kaya nagkaroon ng kaguluhan sa pinansyal na estado ng PhilHealth lalo’t kanilang inaasahang meron pa silang pondo.
Dagdag pa ni Ejercito, bukod sa nasabing mahigit 10 bilyong pisong inilipat na pondo, kanila ring iniimbestigahan ang mga pekeng claims at mahinang koleksyon ng PhilHealth na nagiging dahilan naman sa problema sa pondo nito.
(Ratsada Balita Interview)