Tatlong pangunahing suliraning pambayan ang ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanyang lalabanan sa loob ng anim na taon niyang panunungkulan.
Maliban sa iligal na droga at kriminalidad, masidhi rin ang pagnanais ng Pangulo na tuldukan na ang katiwalian o korapsyon kung tawagin ng karamihan na siyang nagpapahirap sa mga Pilipino.
Deka-dekada na ang lumipas mula nang sinasabing makalaya ang bansa mula sa panahon ng diktadurya kung saan kaliwa’t kanang pagnanakaw sa kaban ng bayan ang naganap.
Ilang pangulo na rin ang sumunod at kanilang ipinangako sa taumbayan na lalabanan o kung hindi man tuluyang susupilin ang talamak na katiwalian sa pamahalaan.
Mistulang naging kakambal na ng pamahalaan ang problema sa katiwalian.
Ika nga ng ating pambansang bayani na si Gat Jose Rizal, ang korapsyon sa gobyerno ay maituturing na ring kanser ng lipunan na unti-unting sumisira sa prinsipyo at dangal ng isang tao.
Ang korapsyon o katiwalian ay isang uri ng pamamaraan ng pagkakamal sa salapi, yaman o ari-arian ng bayan o ng mas nakararaming mamamayan.
Kaya naman naukit sa kaisipan ng mga Pilipino na isang paraan ng pag-unlad sa buhay ang pagpasok sa serbisyo publiko.
Dahil sa limpak-limpak na salapi ng bayan na umaagos dito, tiyak na hindi mapipigilan ng sinuman na matukso upang pagnakawan ang kaniya mismong pinaglilingkuran.
“Public service is a public trust” ika nga…
Iyan ang prinsipyong paulit-ulit binibigyang diin ni Pangulong Duterte sa kaniyang mga talumpati lalo na kapag may mga opisyal o kawani ng pamahalaan na nasasangkot sa katiwalian.
Katunayan, mula sa kanyang pag-upo sa puwesto hanggang sa kasalukuyan, kaliwa’t kanang mga sibakan na ang naganap.
Kaya’t samahan po ninyo kami, ating siyasatin, ano na nga ba ang estado ng katiwalian sa bansa at kung ito ba’y nasolusyunan na.
Nito lamang buwan ng Mayo, sunud-sunod na sibakan na ang naganap sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
PAKINGGAN ang kabuuang ulat ng Siyasat
Unang Bahagi ng Siyasat
Ikalawang Bahagi ng Siyasat
Maihahalintulad ang bansa sa isang walis na kinakailangang sama-sama ang mga hibla nito upang makapaglinis ng kapaligiran.
Ganyan din sana ang pagsasaayos sa sistema ng pamahalaan, dapat ay sama-sama sa halip na kaniya-kaniya.
Dahil kung ang pagbabagong hinahangad, iaasa lamang sa isa, dalawa o tatlong tao lamang, malabo na ngang makamit ang inaasam na pag-unlad.
—-