Pilipinas ang nangunguna ngayon sa may pinakasiksikang mga bilangguan sa buong mundo.
Tinalo na ng Pilipinas ang dating nangungunang Haiti na mayroong 454.4 percent na congestion rate.
Ito ay makaraang pumalo na sa limandaan at limamput walong (558) porsyento ang congestion rate sa ating mga bilangguan.
Batay sa tala ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP, aabot na sa mahigit isandaan at tatlumput limang libo (135,000) ang kabuuang bilang ng mga nakakulong ngayon sa apatnaraan at animnapung (460) bilangguan sa buong bansa.
Aminado si BJMP Spokesperson Jail Senior Inspector Xavier Solda na kulang na kulang ang mga bilangguan sa bansa para tapatan ang patuloy na dumaraming bilang ng mga nakukulong.
Kaya naman ang resulta, mala-sardinas na mga piitan.
“Kulang na kulang talaga kaya yan ang patuloy nating panawagan na magkaroon talaga tayo ng karagdagang facilities and for local government units to visit their facilities para makita ang sitwasyon ng mga constituents nila.” Ani Solda
Batay sa international standards, dapat ay nasa tatlo hanggang apat metriko kwadrado ang espasyong nakalaan sa bawat bilanggo.
Ngunit dito sa Pilipinas, ang espasyo na para sana sa iisang preso lamang ay masaklap na pinaghahatian na ngayon ng anim na bilanggo dahil sa congestion.
Ang Biñan City Jail sa Laguna ang may hawak ngayon ng record ng pinakasiksikang kulungan sa buong Pilipinas at buong mundo.
Ito ay dahil papalo sa 2,635 percent ang congestion rate rito.
Sinundan ito ng Cabuyao City Jail sa lalawigan ng Laguna na may congestion rate na 2, 516 percent.
Pumapangatlo ang Navotas City Jail na may 2, 267 percent.
Pang-apat ang Imus City Jail sa Cavite na may congestion rate na 2,215 percent at pumapanglima sa may pinakasiksikang kulungan sa bansa ang Sta. Rosa City Jail sa Laguna na may 2,212 percent.
“Talagang mainit, masikip, kawawang-kawawa, kasi masikip talaga”
Ganito kung ilarawan ni Aling Flordeliza Acma ang sitwasyon sa loob ng Biñan City Jail .
Nakakulong dito ang kanyang anak na babae na nahuli dahil sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga.
Sa pagbisita ng Siyasat team sa tinaguriang pinakasiksikang bilangguan sa buong mundo, tumambad ang kaawa-awang sitwasyon ng mga preso doon.
Punong-puno ang bawat selda na naglalaman ng mahigit isandaang (100) mga bilanggo.
Kaya naman ang singaw ng katawan ng mga preso at kulob na amoy sa mga selda ay naghalo-halo na sa sobrang init at siksikan.
Ayon sa Jail Warden ng Biñan City jail na si Senior Inspector Eric Agagon, nasa dalawampu’t dalawa (22) lamang ang ideal capacity ng kanilang bilangguan na may lawak lamang na mahigit isandaan at siyamnaput pito (197) metriko kwadrado.
Pero dahil sa dami ng nakukulong, aabot sa animnaraan at lima (605) ang bilanggong nagsisiksikan dito dahilan upang umabot sa mahigit dalawanlibo at animnaraang (2,600) porsyento ang congestion rate ng kulungan.
“Ito lang po ang espasyo para sa jail namin, maraming nahuli kaya lumobo ang jail population dito.” Pahayag ni Agagon
Kaya naman ang mga preso sa Biñan City Jail, kanya-kanya na lamang ng diskarte kung paano makakatulog at makakahanap ng pwesto.
Ayon kay Agagon, per batch o salitan kada apat na oras kung matulog ang kanilang mga preso.
Nakahilera at wala nang galawan ang mga nakahiga sa magkabilaang triple deck sa bawat selda habang ang iba ay nakahanap naman ng mapupwestuhan sa pamamagitan ng pagsabit ng mga duyan.
Patos na ring tulugan para sa mga preso ang pinakailalim ng triple deck kung saan inililitaw na lamang nila ang kanilang ulo upang makahinga.
Ang mga hindi naman naka-iskedyul sa pagtulog, nakaupong nagkukumpulan sa gitnang bahagi ng selda kung saan ay halos wala na ring galawan.
“Magkakaproblema lang sa pagtulog, syempre kapag nakahiga na lahat hindi na kasya, yung iba naka-upong natutulog, yung iba-naka-hammock.” Ani Agagon
Sa kanilang selda na rin kumakain ang mga inmate ng Biñan City Jail kung saan mauuna muna ang labinlima hanggang dalawampung preso.
Dahil sa mala-sardinas na kondisyon ng kanilang mga kulungan, hindi na tumatanggap pa ng mga bilanggo ngayon ang Biñan City Jail.
Paliwanag ni Senior Inspector Eric Agagon, Jail Warden ng Biñan City Jail, wala na silang mapaglalagyan pa sa mga bagong preso.
Tiyak aniyang mamamatayan sila ng preso kung dadagdagan pa ang siksik na siksik nang bilang ng mga bilanggo.
Katunayan, magingang lock up cell ng PNP Biñan kung saan naroon ang mga detainee na wala pang commitment order ay puno na rin.
Batay sa kapasidad ng naturang lock up cell, dapat ay dalawampu hanggang tatlumpu lamang ang laman nito.
Ngunit dahiul sa kakulangan ng pasilidad, aabot na ngayon sa mahigit apatnaran nakakulong doon.
“Hindi na kaya eh, dinala mo pa ang 400 dito buong isang libo dito, kaya may internal agreement na kapag nabawasan ako, magbibigay kami para mabawasan naman sila.” Dagdag ni Agagon
Halos ganito rin kasaklap ang sitwasyon sa Cabuyao City Jail.
Ang kulungang ito na may lawak na dalawandaan at labing apat (214) metriko kwadrado ay may kapasidad lamang na maglaman ng tatlumput walong (38) bilanggo.
Pero ang kasalukuyang populasyon ng kanilang kulungan ngayon, papalo na sa limandaan at walumpu’t siyam (589).
Ipinabatid ng Jail Warden ng Cabuyao City Jail na si Chief Inspector Arvin Abastillas na dahil dito hawak nila ngayon ang congestion rate na 1,436 percent.
Aabot naman sa isanlibo’t labing isa (1,011) ang kabuuang bilang ng nakakulong sa Santa Rosa City Jail sa Laguna na dapat sanay para lamang sa may apatnapung (40) mga preso.
Ayon sa deputy jail warden ng naturang kulungan na si Jail Inspector Renato Bagsit, nasa 2,212 percent ang congestion rate ng kanilang mga bilangguan.
Ang selda para sa mga babaeng bilanggo ng Santa Rosa City Jail ay pumapangalawa sa pinakasiksikang kulungan sa buong bansa.
Ito ay dahil sa populasyon nitong nasa isandaan at dalawampu’t walo (128) na nakalaan lamang dapat para sa limang bilanggo.
Kaya naman hindi na nakapagtataka na sa labas pa lang ng tanggapan ng BJMP Sta. Rosa, sasalubong na ang hindi kanais-nais na amoy na sumisingaw mula sa kanilang mga siksikang kulungan.
Ang dalaw na si Mang Teodoro, aminadong hindi makatagal sa tuwing binibisita ang kanyang asawa doon.
Ayon sa kanya, sumasakit ang kanyang ulo dahil sa init, amoy at ingay sa bilangguan.
“Kapag mainit, mainit talaga, sa labas nga mainit lalo pa diyan, andaming preso, ang gulo, parang palengke, mas grabe pa nga sa Divisoria kapag andiyan ka eh, talagang maingay.”Ani Mang Teodoro
Ganito rin ang nararanasan ni Aling Piling sa tuwing dumadalaw ito sa kanyang anak na lalake.
“Hindi ko po maintindihan at sumaskait ang ulo ko.” Sabi naman ni Aling Piling
Naaawa naman ang dalaw ding si Gilbert sa sitwasyon ng kanyang 21-anyos na lalaking kapatid na nakakulong din doon dahil sa kasong may kaugnayan sa droga.
“Mahirap, parang sardinas sila sa loob, ang init.”
Ipinaliwanag ni Jail Inspector Renato Bagsit na tuloy-tuloy sa pagsisikip ang kanilang mga kulungan dahil sa marami ang ikinukulong habang maliit na bilang lamang ang naililipat o nakakalaya.
“Kami siguro maraming tinuturn-over dito, ang pinakamaraming tinuturn-over dito ay related sa drugs, minsan nga lalabas isa o dalawa pero ang papasok ay sampu, kaya hindi nararamdaman yung nababawas.” Pahayag ni Bagsit