Inihayag ng Simbahang Katolika na pagtutulungan ng bawat-isa ang susi para tuluyang masugpo ang banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ito’y ayon kay Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Permanent Committee on Public Affairs, makaraang buksan ng Simbahang Katolika ang mga pasilidad nito para sa mga isasagawang vaccination program ng pamahalaan.
Paliwanag ni Secillano, sa ganitong mga panahon, dapat isantabi muna ang hindi pagkakaunawaan at sa halip ay pagtuunan ng pansin kung papaanong masusugpo ang virus.
Sa ganito pong pagkakataon at sirkumstansya na pinagdadaanan natin, kinakaharap natin, dapat talaga tulung-tulong tayo dito. Hindi na dapat bigyan ng kung anu-anong mga isyu, kaya kung ano ‘yung solusyon sa problema na kinakaharap natin, dapat mag-aambag ang bawat isa para mabigay natin ‘yung solusyon na ‘yon,” ani Secillano.
Kaugnay nito, gaya ng liderato ng CBCP bukas din si Secillano na magpabakuna para kahit papaano’y magbigay kumpyansa sa publiko hinggil sa vaccination program.
Sa huli, giit ni Secillano, ang pinakamainam na gawin ngayong may kinaharap na pandemya, ay pinagsamang tulong ng siyensya at ang pananampalataya.
Ang kailangan talaga natin ngayon, hindi isinasanta bi ‘yung isa kundi pinagsasabay yung dalawa. Kung meron tayong praktikal na approach par amsolusyonan natin itong problema, siyentipikong approach, dapat andon din ‘yung spiritual approach,” ani Secillano. —sa panayam ng Serbisyong Lubos sa 882