Ganap nang batas ang Republic Act 10742 o Sangguniang Kabataan Reform Act.
Ayon kay Presidential Communications Group Secretary Sonny Coloma. ang nasabing batas na magpapalakas sa Sangguniang Kabataan ay nilagdaan ng Pangulo nitong nakalipas na January 15.
Kabilang sa mahalagang probisyon ng batas ang pagtatakda ng bagong age limit para sa mga SK member na mula sa dating 15 hanggang 17 anyos ay naging 18 hanggang 24 anyos.
Layon nitong mabigyan ng kapangyarihan ang mga miyembro ng SK na pumasok sa kontrata at maging accountable o maaaring panagutin sa kanilang mga aksyon.
Nakapaloob din sa batas ang probisyon para sa anti-dynasty kung saan ang mga kaanak ng elected o appointed officials hanggang sa second degree of consanguinity o affinity ay bawal pahalal sa SK posts.
Youth
Tagumpay para sa Akbayan Youth ang paglagda ng Pangulong Noynoy Aquino upang maging ganap na batas ang Sangguniang Kabataan o SK Reform.
Sa facebook page ng Akbayan Youth, ikinatuwa nila ang naging hakbang ng Kongreso at ng Pangulong Aquino upang maisulong ito.
Dahil dito, naniniwala silang ang SK Reform Law ay lilikha ng mga institusyon na tutugon sa pangangailangan ng mga kabataan.
Isusulong din anila nito ang pag-unlad ng bawat barangay governance dahil sa pagbibigay ng highlights sa mga proyekto ng SK at mga programa nito para sa mga kabataan.
By Judith Larino | Meann Tanbio