Isang “pambansang walkout” ang inilunsad sa iba’t ibang pamantasan sa Metro Manila bilang pagkondena sa administrasyong Duterte.
Kabilang sa mga lumahok ay mga estudyante ng Ateneo de Manila University, University of the Philippines at mga miyembro ng Kabataan Partylist na nagsagawa ng noise barrage sa Katipunan Avenue, Quezon City.
Tatlo anilang issue ang nagpapahirap umano sa mga mamamayan at ang mga ito ay ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Law, ang naka-umang na Charter Change at pagkitil sa press freedom.
Nag-walk out din sa klase ang ilang mag-aaral ng Polytechnic University of the Philippines, De La Salle University, College of Saint Benilde habang nagmartsa patungong Mendiola ang mga estudyante ng University of the Philippines sa Maynila.
Iginiit ng mga kabataan na dapat manaig ang katotohanan laban sa mga “keyboard warrior” at trolls ng administrasyong Duterte.
‘Slots ng mga iskolar ng bayan ibibigay sa mga Lumad’
Samantala, nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na ibibigay sa mga Lumad ang slots ng mga estudyante ng University of the Philippines o UP na lumiliban sa klase upang sumali sa mga kilos-protesta.
Sa ginanap na Indigenous Peoples Leader’s Summit sa Naval Station Felix-Apolinario sa Panacan, Davao City sinabi ng Pangulo na hindi siya mag-aatubiling ibigay sa mga estudyanteng Lumad ang slot ng mga mag-aaral na puro rally lamang ang ginagawa .
Giit pa ni Pangulong Duterte na maraming Pilipinong nais makapag-aral ng libre dahil sa kakapusan sa buhay ngunit ang mga pinag-aaral ng gobyerno ngayon ay lagi lamang nasa kalsada at sumasali sa mga kilos-protesta.
Hamon pa ng Pangulo kahit huwag nang pumasok ng isang taon ang mga estudyanteng mahilig mag-walk out sa mga classroom.
Nabatid na karamihan sa mga estudyanteng kalahok sa mga kilos-protesta upang batikusin ang pamahalaan ay mga iskolar ng gobyerno sa pamamagitan ng State Universities and Colleges o SUCs.
–Drew Nacino