Pinasinayaan ng SM Foundation ang pinaka bago nitong Mobile Clinic na inaasahang magpapalakas ng kanilang medical missions sa iba’t ibang vulnerable communities sa bansa. PInangunahan ang selebrasyon nina executive director Debbie Sy, SM Group matriarch Felicidad Sy, health and medical programs executive director Connie Angeles, at trustee Engr. Ramon Gil Macapagal.
Isang bagong mobile clinic ang idinagdag ng SM Foundation upang lalong mapalakas ang kanilang misyon na magbigay ng medikal at dental na serbisyo sa mga komunidad at paigtingin rin ang relief efforts sa panahon ng sakuna.
Ang ika-anim na mobile clinic ay may mga makabagong kagamitan na alinsunod sa mga bagong regulasyon ng Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA).
Kasama sa mga innovation ng nasabing mobile clinic ay ang isang canopy system upang masiguradong maginhawang makapaghihintay ang mga pasyente bago sumailalim sa mga tests.
Tampok rin sa bagong sasakyan ang mas maluwang na interior space, karagdagang storage space, at mga espesyal na kagamitan para sa iba’t ibang pangangailangan. Mayroon din itong ECG room na may oxygen tank para sa mga emergency at isang X-ray room na nahahati sa tatlo: RadTech working station, X-ray exposure area, at dressing area.
Kasama sa bagong feature ng SM Foundation mobile clinic ay pinalakas na radiation protection measures, kabilang ang mas makapal na lead-protected room, isang P.A. system para sa mas maayos na komunikasyon, at dressing area para sa privacy ng mga pasyente.
Gumagamit na rin ang Foundation ng blood analyzer machine at urine analyzer machine sa ilan nitong medical missions upang matulungan ang mga doctor sa pagbibigay ng wastong serbisyong medikal.
Ang iba pang mga mobile clinic ng Foundation ay naka-station sa iba’t ibang parte ng bansa upang mailapit ang kalidad na medical care sa komunidad. Dalawa sa anim ay naka base sa Metro Manila, isa sa Cebu para sa Visayas region, isa sa Cagayan de Oro para sa Mindanao, at isa na permanenteng nasa Palawan. Ang bagong mobile clinic ay inaasahang magseserbisyo sa mga komunidad sa buong Luzon.
Sa pamamagitan ng kanilang Health and Medical Programs, ang SM Foundation ay nagsasagawa ng mga medical caravans sa buong bansa. Sa kasalukuyan, ito ay nakatulong sa higit na sa higit 1.2 milyong pasyente sa bansa.