Dapat magpaliwanag ang SMARTMATIC sa nakitang discrepancies sa mga Electronically Transmitted Certificate of Canvass sa maraming probinsya.
Ito ang iginiit ng kampo ni Vice Presidential Candidate Senador Bongbong Marcos.
Inihalimbawa ni Atty. George Garcia, Legal Counsel ni Marcos ang probinsya ng Nueva Ecija at Ilocos Sur kung saan ang Provincial Canvassing and Consolidated System ay nag-transmit ng COC, gayong may Incomplete Transmission of Results sa municipal level.
Nagtataka si Garcia kung paanong ang Provincial CCS ay nakapag-transmit ng COC sa COMELEC, gayong sinasabi sa program na dapat 100 percent ang transmission ng lahat ng munisipalidad sa isang probinsya.
Idinagdag pa ni Garcia na mayroon pang dalawang probinsya kung saan ang Board of Canvasser ay hindi alam na hindi kumpleto ang municipal transmission kaya’t inutusan sila ng COMELEC na i-recheck at i-recompute ang resulta, hanggang sa kanilang natuklasan na ang resulta ng eleksyon sa isang munisipalidad ay hindi pala nakasama sa unang COC na nai-transmit sa COMELEC.
By: Meann Tanbio