Umabot na sa halagang 24.98 billion pesos ang nasamsam na smuggled goods ng Bureau of Customs (BOC) para sa unang bahagi ng buwan ng Enero.
Sa nasabing total, P12-B ang halaga ng nasakoteng ilegal na droga, P7.69-B sa counterfeit goods at P1.87-M naman sa agricultural products.
Ayon kay BOC spokesperson Arnaldo Dela Torre Jr., karamihan sa mga puslit na produkto ay nagmula sa China.
Mababatid na nito lamang Enero ay nasamsam ng BOC ang P17-M na halaga ng mga smuggled na dilaw na sibuyas na natagpuan sa loob ng tatlong container na idineklarang damit at produktong pambahay mula sa China.
Samantala, sinabi ni Dela Torre na nagsagawa na ang Department of Agriculture (DA) ng serye ng mga pagpupulong at diyalogo sa BOC para palalimin at palakasin ang pagsisikap laban sa ipinagbabawal na kalakalan ng mga produktong agrikultura.—mula sa panulat ni Hannah Oledan