Ibinabala ng National Federation of Hog Farmers na posibleng naibebenta na sa mga pamilihan sa bansa ang mga ipinuslit na karneng baboy mula sa ibang bansa.
Ayon kay Vicente Mercado, tagapangulo ng grupo, nakababahala aniya ang mga naturang karne dahil sa hindi ito dumaan sa tamang inspeksyon.
Pinangangambahan din na posibleng expired o sira na ang mga karne ng baboy dahilan upang magdulot ng peligro sa kalusugan ng tao.
Nag-ugat ang pahayag nang makarating sa kanila ang ilang larawan ng itinitindang tenga ng baboy na nakasilid sa kahon at nakasulat kung saang bansa ito nagmula.
Bagsak presyo rin anila itong ibinebenta sa halagang P80 kada kilo o kalahati ng presyo ng karneng baboy sa lokal na pamilihan.
DA
Kumilos na ang pamahalaan upang tugunan ang hinaing ng mga lokal na magbababoy sa patuloy na pagpasok sa bansa ng mga smuggled na karne.
Kasunod ito ng bantang pig holiday ng mga mahigit sa 50 organisasyon ng mga magbababoy sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon kay Agriculture Undersecretary Jose Reaño, may mga inilatag na silang bagong panuntunan mula sa pagpasok pa lamang ng mga imported na karne sa bansa hanggang sa paglabas nito sa Bureau of Customs patungo sa importer.
Ang Bureau of Animal Industry na anya ang maglalagay ng code kung ano ang puwedeng i-import na pwedeng piliin ng importer sa computer.
Sinabi ni Reaño na nais rin ng Bureau of Customs na i-waive ng mga importers ang Bank Secrecy Law subalit doon lamang sa mga remittances nila sa bangko na galing sa pag-import ng karne.
Samantala may solusyon na rin anya sila sa mga pumapasok na pa-expired nang karne sa bansa na kabilang sa inirereklamo ng mga lokal na magbababoy.
“Kasi dito nagkakaroon ng kalokohan, yung expiring syempre sa ibang bansa giveaway na yan kahit legal yung pag-import mo kung ganun naman ang dadalhin mo sa merkado na expiry syempre murang-mura yun, kawawa naman ang ating magbababoy, ito kinukumpiska natin, bawal din ito, pinakamahalaga sa lahat, lahat ng may taripa na 10 porsyento pababa, total inspection ang gagawin namin, hindi pipiliin kundi bubuksan lahat siya para makita kung talagang tama ang laman niya o hindi.” Pahayag ni Reaño.
By Jaymark Dagala | Len Aguirre | Ratsada Balita