Mariing ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isailalim muna sa phytosanitary inspection ang mga smuggled na sibuyas bago ito ilabas sa merkado.
Sa idinaos na Cabinet meeting, sinabi ni Pang. Marcos na nais man niya agad na mailabas sa merkado ang mga nakukumpiskang smuggled na sibuyas ay kailangan muna itong maisailalim sa inspeksyon.
Sinabi din ni Marcos na kailangang kumuha ng third-party inspectors para magsagawa ng phytosanitary inspections upang masigurong ligtas ang mga sibuyas sa transboundary diseases.
Katunayan, sa mga naisagawa nang inspeksyon, may mga kumpiskadong sibuyas na nakitang hindi “fit for human consumption”.
Ayon kay Marcos, gumagastos din ang gobyerno ng 5,000 per kilo sa inspeksyon na mas mahal pa kaysa sa kasalukuyang presyo ng sibuyas.
“So ‘yun lang ang quandary natin. We are trying to negotiate with third parties to do the inspection. But right now we are still reviewing all of that. They really have to be very safe kasi just one batch na makalusot, maraming magkakasakit talaga. So that’s the situation there,” ani Marcos.
Samantala, isinisisi ng pamahalaan sa mga unscrupulous traders at hoarders ang pagtaas ng presyo ng sibuyas na umabot na sa mahigit P700 kada kilo.
Una nang sinabi ng Bureau of Customs (BOC) na plano nilang i-donate ang mga nakumpiska nilang agricultural products, kabilang ang mga sibuyas, sa Kadiwa stores.
Pahayag ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, mayroong mahigit 500 container vans ng smuggled agricultural items ang nananatili pa sa mga pantalan na pawang kumpiskado na.