Nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) ang 4,000 metric tons na smuggled Thailand white refined sugar mula sa isang sasakyang pandagat na dumaong sa Port of Batangas.
Ito ay katumbas ng 80,000 sako ng puting asukal na nagkakahalaga ng 261 million pesos matapos dumating ang MV Sunward sa daungan nang walang notice of arrival ayon sa itinakda ng batas.
Ayon sa Sugar Regulatory Administration, wala rin umanong naipakitang permit ang cargo.
Agad namang naglabas ng warrant of seizure and detention si district collector Ma. Rhea Gregorio hinggil sa smuggled na asukal matapos itong lumabag sa mga probisyon ng Anti-agricultural Smuggling Act of 2016 at Food Safety Act of 2013, kasama ang mga panuntunan at regulasyon na itinakda ng SRA at Bureau of Plant Industry.—mula sa panulat ni Hannah Oledan