Malayo sa iniisip ng ilang grupo ang magiging epekto ng container monitoring policy na ipinatutupad ng Philippine Ports Authority (PPA).
Binigyang diin ito ni Eugenio Ynion, President/CEO ng Cebu City-based Nextix, Inc./Shiptek Solutions Corp. joint venture (JV), kasunod ng apela ng iba’t ibang grupo sa PPA na ipawalang-bisa ang Administrative Order o AO No. 04-2021 na nagtatakda ng mga polisiya sa pagpaparehistro at pagmo-monitor ng mga container sa pamamagitan ng isang technology solution.
Kung matatandaan, iginawad sa JV ang P877.600 milyong halaga ng kontrata para sa Trusted Operator Program-Container Registry Monitoring System o TOP-CRMS at empty container storage shared service facility design specifications and implementation project.
Sa pamamagitan ng nasabing AO, mamo-monitor na ang scheduling, loading, unloading, release, at movement ng mga container, maliban sa pagkakaroon ng container identification, accountability, at protection program, alinsunod na rin sa international standards.
Dahil dito, iginiit ni Ynion na malabong magkaroon ng redundancy o duplikasyon sa trabaho dahil iba ang mandato ng Bureau of Customs o BOC sa PPA.
Ayon kay Ynion, hindi lalabagin ng polisiya ang Ease of Doing Business Act at National Competition Policy lalo pa’t ang layunin nito ay magkaroon ng transformation mula sa manual patungong automation.
Giit ni Ynion, matatanggal din ang 15,000 pesos hanggang 30,000 pesos na container deposits dulot ng nasabing proyekto.
Maliban dito, sa pamamagitan ng bagong sistema ay mapapabilis pa ang usad ng mga container sa mga pantalan kaya’t pabor ito sa lahat.
Malinaw pa aniya sa sikat ng araw na magbubukas din ito ng transparency at accountability sa kanilang hanay na kinatatakutan ng ilang sektor na maaaring tamaan dito.