Aminado si Agriculture Secretary William Dar na lumalala na ang smuggling ng agri-products sa bansa.
Inihayag ni Dar na maituturing na ring banta sa national security ang problema ng bansa sa food security na nag-ugat sa smuggling ng agricultural products.
Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food, nagpasaklolo ang kalihim sa mga mambabatas upang masugpo ang smuggling ng mga nasabing produkto.
Ipinanawagan din ni Dar ang buong suporta mula sa gobyerno upang mapalakas ang anti-smuggling ng ahensya sa pamamagitan ng paglalagay ng karagdagang pondo sa sektor ng agrikultura.
Iniulat din ni Atty. Karen Yambao ng Bureau of Customs Legal Service, sa naturang pagdinig na 158 apprehensions na ang naitala ng ahensya kaugnay sa mga ipinupuslit na gulay, poultry at iba pang farm products sa bansa.
Samantala, umapela naman ang Department of Trade and Industry (DTI) na tulungan ang ahensya na ma-i-institutionalize ang sub-task group na binuo upang tugisin ang mga agricultural smuggler.
Samantala, agad na pinagsusumite ni committee chairman mark enverga ang DTI at DA ng mga dokumento para sa personnel at budgetary requirements upang maaksyunan agad ng kongreso ang kanilang panawagan.