Umaasa si SINAG o Samahang Industriya ng Agrikultura Chairman Rosendo So na masasaayos na ang mga problema sa BOC o Bureau of Customs partikular sa smuggling.
Ito ay kasunod na rin ng pagkakatalaga kay PDEA Chief Isidro Lapeña bilang kapalit ni BOC Commissioner Nicanor Faeldon.
Ayon kay So, malinaw na may malaking problema sa BOC dahil sa pagkakalusot ng napalaking halaga ng shabu sa kabila ng mahigpit na kampanya ng pamahalaan kontra sa iligal na droga.
Aniya, matagal na nilang inirereklamo ang ginagawang pagpapalit sa mga code at paglalagay sa green lane ng mga paparating na kargamento sa halip na ilagay sa restricted.
Sinabi rin ni So, sa nakalipas na taon, tanging pagbababa lamang sa mga smuggled na bigas ang kanilang napansin habang mataas pa rin sa ibang mga produktong agrikultura.
Binigyang diin pa ni So, na kailangan ang pagkakaroon ng koordinasyon ng BOC at ibang ahensya ng pamahalaan na may kaugnayan sa inaangkat na mga produkto para sa mahigpit na pagbabantay sa iligal na pagpasok ng mga ito.
“Noon pa sinasabi na natin na dapat may coordination ang BOC sa mga lead agencies para at least tumugma ang mga record, sa agri kailangan bantayan pa rin ang Department of Agriculture, kasi ang recording ng dalawa ay hindi tumugma eh, ibig sabihin nun ay hindi na-check ang kargamento ng DA.” Pahayg ni So
By Krista de Dios | Ratsada Balita Interview