Lusot na sa Commission on Appointments si AFP chief of staff Cirilito Sobejana para sa kaniyang nominasyon sa rank of general.
Kasama ni Sobejana nakalusot sa CA ang 32 AFP military officers na may ad interim appointments at nomination sa ranggong lieutenant general, major general o brig. general habang ang iba naman ay para sa rank of rear admiral at colonel.
Sa confirmation hearing, tinanong ni Sen. Risa Hontiveros si Sobejana ukol sa 220 Chinese maritime militia vessels na namataan sa Julian Felipe Reef sa West Philippine Sea.
Bilang tugon sinabi ni Sobejana na nagpadala siya ng maritime patrol para iberipika kung saan nakita sa lugar ang 183 Chinese fishing vessels
Ni-report na raw nila ito sa mga otoridad tulad sa Department of National Defense at sa National Task Force on West Philippine Sea.
Nagpadala na rin aniya si Sobejana ng dagdag na naval assets sa area para madagdagan ang ating visibility at masiguro ang kaligtasan ng mga Pinoy fishermen sa area.
Tinanong din ni Hontiveros kung ano ba talagang klaseng Chinese vessels ang nasa Felipe Reef ngayon?
Ayon kay Sobejana, batay sa mga larawan na kuha nila, fishing boats ng China ang nakatambay sa nasabing reef sa West Philippine Sea.
Normal naman anya ang formation ng fishing boats kapag nagpapahinga pero aminado si Sobejana na masyado itong marami kumpara sa formation na nakita nila sa Sulu seas kaya’t inaaral nila kung ano ang ibig sabihin ng formation ng mga ito na layered ang itsura. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)