Inilabas na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 36 na puputol sa maliligayang araw ng mga opisyal at kawani ng mga GOCC’s o Government Owned and Controlled Corporations at FGI o Financial Government Institutions.
Layon ng nasabing kautusan na magsagawa ng masusing pag-aaral hinggil mga tinatanggap na kumpensasyon ng mga opisyal at kawani ng gobyerno alinsunod sa itinatakda ng batas.
Sa ilalim ng nasabing Executive Order, dapat manatili ang nakukuhang kumpensasyon ng isang kawani ng GOCC at FGI kung hindi sila saklaw ng Salary Standardization Law o di kaya’y sundin ang Executive Order 201 na mas kilala bilang Modified Salary Schedule.
Magugunitang inihayag mismo ni Pangulong Duterte sa kaniyang ikalawang SONA o State of the Nation Address noong isang linggo na napapanahon na upang tuldukan ang pagkakaroon ng sobra-sobrang kumpensasyon sa mga GOCC’s.