Iginiit ni Bayan Muna Partylist Representative Neri Colmenares ang sobra-sobrang singil ng gobyerno sa income tax.
Sinabi sa DWIZ ni Colmenares na sinadya ng gobyerno na huwag i-adjust ang singil sa income tax na dapat ay ginagawa kada limang taon.
Ito ayon kay Colmenares ay kaya’t halos pareho na ang tax rate sa kumikita ng P40,000 at P500,000 bawat taon.
“2015 na tayo ang 32 percent ng highest tax ay yun pa ding P500,000, ibig sabihin kapag kumikita ka ng P40,000 kada buwan ngayon, tina-tax ka pa din ng pinakamataas, na parang kasing yaman mo ang mga bilyonaryo at milyonaryo na nagbabayad din ng ganoong tax rate so ang sabi naming overtaxed siya.”
Ipinabatid ni Colmenares na isinulong niya ang isang panukala para maayos ang pagbubuwis sa kahit magkano pa mang kita.
Dapat aniya ay 30 porsyento lamang ang buwis sa kumikita ng isang milyong piso bawat taon at nasa sampu hanggang labing dalawang porsyento lamang sa kumikita ng P500,000 kada taon o P40,000 kada buwan.
“Ang ibig sabihin kung 10-12 percent lang pala ang income tax ng kumikita ng P500,000 sa isang taon ibig sabihin in the last so many years nagbabayad siya ng 32 percent na dapat 12 percent lang sana ang binabayaran niya, na-overtaxed siya ng 20 percent, so lahat naman ng income tax payers P400,000 P300,000, overtaxed din sila lahat kasi matataas pa rin ang range ng binayaran nila na hindi naman dapat.” Pahayag ni Colmenares.
Pondong pamalit
Tungkulin ng gobyerno na hanapan ng pondo ang mga dapat na pagkagastusan nito at huwag singilin sa taumbayan.
Iginiit ito sa DWIZ ni Bayanmuna Partylist Representative Neri Colmenares na nagsulong ng panukalang tamang pagbubuwis base na rin sa kita ng isang manggagawa.
Sinabi ni Colmenares na hindi dapat ipasa ng gobyerno sa taumbayan ang kulang sa singil sa buwis dahil matagal na itong naningil ng sobra-sobrang buwis.
“Sabi ng gobyerno, okay naman ang bill ni Congressman Colmenares kaya lang hanapan mo ng pondo na pamalit kasi mawawalan kami ng revenue na almost P29 billion sa isang taon, so ang sagot ko naman diyan, kung unjust ang taxes, unjust ito overtaxed eh hindi makatarungan, hanapan niyo ng paraan, gobyerno kayo eh, malay ba naman ng mga ordinaryong tax payers kung saan hahanap ng pondong pamalit na P29 billion, buti sana kung hindi unjust eh, tungkulin niyo na hanapan ‘yan ng revenue at hindi sa taongbayan niyo ipapasa.” Giit ni Colmenares.
By Judith Larino | Ratsada Balita