Ipinag-utos ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa Meralco na i-refund ang sobrang koleksyon nito mula sa pass-through charges sa mga customers noong January 2017 hanggang December 2019.
Ayon sa ERC nagkakahalaga ng 1.4 billion pesos ang sobrang kinolektang transmission rate, system loss rate, lifeline subsidy rate at senior citizen subsidy rate.
Gayunman, mas malaki ang pinasisingil ng ERC sa Meralco sa mga customers nito dahil sa under recovery para sa generation rate na nagkakahalaga ng P2.38-B.
Batay sa kautusan ng ERC, dapat ay mai-refund sa mga customer ang nasabing halaga sa loob ng tatlong buwan.
Gagawin naman sa loob ng 24 na buwan sa oras na matanggap na ng Meralco ang kautusan ng ERC ang dagdag na kokolektahin.
Lumalabas na karagdagang sisingilin ang Php0.0395 per kilowatt-hour hanggang sa mabawi na ang kulang na sinisingil na generation rate.
Pinatitiyak din ng ERC sa Meralco na malinaw na isasaad nito sa kanilang billing sa mga customers ang mga ire-refund at ang karagdagang singil.