Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Agriculture (DA) na ipamahagi ang sobrang pondo sa Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF para palakasin ang produksyon ng palay ng mga Pilipinong magsasaka.
Sa isang pagpupulong sa mga opisyal ng DA, ipinag-utos ni Pangulong Marcos ang pamamahagi ng sobrang pondo ng RCEF na may taunang target na P10 bilyong koleksyon ng taripa sa imported na bigas.
Ayon sa Pangulo, gagamitin ito ng makina at iba pang kagamitan para mas produktibo ang mga Pilipinong magsasaka sa produksyon ng palay.
Karagdagan ito sa nakaraang kautusan ni Pangulong Marcos na ilabas ang P12.7 bilyong pondo para sa tig-P5,000 na ayuda sa 2.3 milyong magsasaka sa ilalim ng Rice Farmers Financial Assistance o RFFA program.
Aniya, tinitiyak ng administrasyon ang financial assistance para sa mga maliliit na magsasaka na apektado ng pagbawi ng Executive Order No. 39 o ang pagpataw ng price ceiling sa regular at well-milled rice.
“Ang pagtanggal ng price cap na ‘yan ay hindi basta-basta natin ginawa ‘yan lang ang ating ginawa. Mayroon ring kasama na pagtulong ulit, pagpapatibay at pagpaganda ng ating agricultural sector,” ani Pangulong Marcos.
“Lalakihan natin ang galing sa Rice Tariffication Law at ibibigay natin sa ating mga farmer sa pamamagitan ng mga equipment, mga tractor, mga harvest, mga dryer,” dagdag niya.
Iginiit ni Pangulong Marcos na sa ilalim ng Republic Act 11203 o Rice Tarrification Law, gagamitin sa mga programa at proyektong pabor sa mga magsasaka ang mga makokolektang buwis sa imported na bigas para sa RCEF.
Ang sobrang koleksiyon mula rito ang nais ng Pangulo na ibuhos sa mga magsasaka ng palay upang masiguro ang magandang produksiyon at tumaas ang kita ng mga ito.
Sa naturang pagpupulong, inatasan din ni Pangulong Marcos ang Department of Interior and Local Government na tutukan ang implementasyon ng kanyang kautusan na itigil muna ang pangongolekta ng pass-through fees sa mga sasakyang may dalang bigas, gulay at iba pang kalakal.
Sa ilalim ng Executive Order No. 41, hindi muna mangongolekta ang mga local government unit o LGU sa buong bansa ng mga pass-through fees sa lahat ng mga sasakyan na dumadaan ng national roads para magdala ng mga iba’t ibang kalakal at paninda.
Ito ay alinsunod sa 8-Point Socioeconomic Agenda ni Pangulong Marcos kung saan layong bawasan ng administrasyon ang gastusin sa transport at logistics.