Nakahanda ang Manila Electric Company (MERALCO) na ibalik sa kanilang customers, ang sobrang singil noong 2013.
Pero nilinaw ni Michael Garcia, Senior Corporate Communications Associate ng MERALCO, na ito ay nakadepende pa sa iuutos ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Aniya, ang kumakalat pa lang na impormasyon ngayon ay resulta pa lang ng imbestigasyong ginawa, at kailangan pang pormal na maiakyat sa ERC, ang kaso.
“Mag fa-file pa ng complaint itong investigating unit before the ERC and from there, doon gagawa ng desisyon ang Energy Regulatory Commission, in the event na magkaroon ng ganung order ang MERALCO naman ay laging tumatalima.”Ani Garcia.
Sinabi din ni Garcia na bagamat marami ang nasingil noong 2013, gamit ang mas mataas na rate, iilan lang dito ang nakapagbayad, at maaring mabigyan ng refund.
“But I don’t think na yung kabuuan na more than 3 million customers na nakatanggap ng kanilang bills using the high rate ay nakapagbayad noong panahon na yun precisely because meron nang inisyu na TRO.” Pahayag ni Garcia.
By Katrina Valle | Kasangga Mo Ang Langit