Pakawala ng mga kalaban.
Ito ang reaksyon ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas sa pagkalat ng mga pekeng 500 peso bills na may mukha niya sa Kamara.
Sinabi ni Roxas na malinaw na walang kinalaman ang kanilang kampo sa aniya’y naturang paninira.
Wala naman din aniyang maniniwala sa ganyang strategy at blangko siya sa tunay na motibo sa pagpapakalat ng nasabing pekeng 500 peso bills kasama ang isang papel kung saan nakasulat ang mga katagang: salapi pa more, ibulsa ang pera, iboto ang kursunada.
Ayon pa kay Roxas, dapat ipadala sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mga pekeng bills para makita kung sino ang nag counterfeit nito.
Una rito, ilang house reporters ang nakatanggap ng puting sobre na naglalaman ng flyer laban sa pagbebenta ng boto.
Nakatatak sa 500 peso fake bill ang mukha ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas at sa hiwalay na papel nakasulat ang mga katagang: salapi pa more, ibulsa ang pera, iboto ang kursunada.
Tig-tatlong fake 500 peso bill ang laman ng isang envelope na ipinamahagi sa ilang reporter.
Ang hakbang ay tinawag namang black propaganda ni Yacap Partylist Representative Carol Jayne Lopez dahil ramdam na aniya ng mga kritiko ni Roxas ang paglakas nito sa kampanya.
Posible aniyang natatakot ang mga kalaban sa pulitika ni Roxas kaya’t nagsisimula nang gumawa ng black propaganda.
Mar-Duterte
Samantala, blangko si Mar Roxas sa posibleng Mar-Duterte tandem sa 2016.
Ayon kay Roxas, wala siyang narinig mula sa Pangulong Benigno Aquino III na kakausapin nito si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Sabay aniya sila ng Pangulo na umalis ng Davao at wala naman doon si Duterte kaya’t hindi niya ito nakausap.
By Judith Larino | Cris Barrientos | Jill Resontoc (Patrol 7)
1 comment
Magaling ung naka-isip nung 500 peso bill na yan. Maganda rin ang pagkakagawa. Ayos yan. Idol! Ipagpatuloy mo ang ganyan. Nakakabilib ang talento mo. Hahaha! Nice one.