Pinaalalahanan ng isang eksperto ang publiko na dapat pa ring sundin ang mga health safety protocols kahit magkaroon na ng bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Dr. Nina Gloriani, head ng Vaccine Development Panel ng Department of Science and Technology (DOST) mahalaga pa ring magsuot ng face mask at shields, i-obserba ang physical distancing, upang mas makasigurong maiiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Ani Gloriani, hindi lamang ang bakuna ang solusyon at kapag nakapagpabakuna ay maaari nang bumalik sa normal.
Giit ni Gloriani hindi lahat ng nababakunahan ay mapoprotektahan laban sa virus.
Paliwanag pa nito, inaasahan lamang kasi nila na hanggang 50% epektibo o protection rate mayroon ang mga bakuna kontra COVID-19 na nagawa o na-developed sa gitna ng pandemya.
Una rito, inanunsyo ni Russian President Vladimir Putin na kauna-unahan ang kanilang bansa na nakapag parehistro ng bakuna kontra COVID-19.