Kinumpirma ng Land Transportation Office (LTO) na nangunguna ngayon ang Social Media platforms sa ginagamit ng mga fixer para mag-alok ng serbisyo.
Ayon kay Alex Abaton, LTO Special Legal Assistant ng Office of the Assistant Secretary, kadalasang ginagamit ng mga fixer ang FaceBook na mayroong pekeng account para makapang-hikayat ng mga nais mag-apply ng lisensya sa mabilis na paraan.
Batay sa post ng mga fixer, hindi na kailangan pang sumipot ng mga aplikante sa tanggapan ng LTO dahil ang mga fixer na mismo ang siyang maglalakad ng lisensya ng kanilang mga kliyente.
Sinabi ni Abaton, na pawang mga peke ang mga dokumento o driver’s license na ibinibigay sa mga aplikante, kapalit ng malaking halaga na hinihingi ng mga fixer.
Iginiit pa ni Abaton na marami na silang ikinasang operasyon, kasama ang Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga fixer pero marami pa rin umano ang nakalulusot.
Dahil dito, nagbabala si Abaton sa mga mahuhuling gumagamit ng pekeng lisensya, dahil maari silang pagmultahin ng P3,000 at hindi na ring papayagang makakuha ng tunay na driver’s license o makapagmaneho sa loob ng isang taon.