Inalmahan ng grupo ng LGBTQ plus community ang ratipikasyon ng Kongreso at napipintong paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte upang maging batas ang panukalang “Sim Card Registration Act”.
Partikular na kinuwestyon ng grupong Bahaghari ang probisyong nagsasaad na maaaring makulong o pagmultahin ng hanggang P200,000 ang sinumang mag-re-register ng hindi tunay na pangalan sa social media accounts o sim cards.
Ayon kay Bahaghari Chairperson Rey Valmores-Salinas, maaaring gamitin sa pagsikil sa freedom of expression ang nasabing probisyon.
Marami anyang transgender people at mga miyembro ng LGBTQ plus community ang pumiling gumamit ng mga alyas na iba sa kanilang ligal na pangalan lalo kung nagpalit na ng kasarian.
Ipinunto naman ni Carlos Nazareno, isang cyber-security advocate at miyembro ng internet at ICT Rights Advocacy Group Democracy.net.ph na karaniwan na sa mga l.G.B.T. Na gumamit ng mga alyas upang maiwasan ang online harassment.
Gayunman, iginiit ni Nazareno na hindi mareresolba ang problema sa “uncivil behavior” kung tatanggalin ang privacy sa paggamit ng pangalan sa social media.