Mas bumuti ang buhay ng mga Pilipinong kabilang sa social welfare program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ang iniulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaugnay sa naging epekto ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa kapakanan ng mga benepisyaryo.
Matatandaang nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos na hindi binuburo ng tamang ayuda ang mga tao sa kahirapan dahil pantawid lamang ito.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, isa sa mga makabuluhang epekto ng 4Ps sa mga benepisyaryo ang panghihikayat sa mga bata na pumasok sa paaralan.
Ginawa ni Asec. Dumlao ang pahayag matapos aprubahan ni Pangulong Marcos ang panukala ng DSWD na palawakin ang saklaw ng 4Ps upang isama ang mga buntis at mga nagpapasusong kababaihan upang matiyak ang kalusugan ng mga bata sa kanilang first 1,000 days.
Upang maging matagumpay ang implementasyon nito, inatasan na ni Pangulong Marcos ang DSWD at ang National Economic and Development Authority (NEDA) na itala ang kinakailangang pondo para sa pagpapalawak sa naturang programa.