Umarangkada na ang paglulunsad para sa Digital Vaccination Certificate (VaxcertPH) para sa mga bakunado na kontra COVID-19.
Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT), ito’y isang portal at mobile app na naglalayong pag-isahin ang lahat ng mga ibinigay na vaccination cards ng iba’t ibang lokal na pamahalaan sa buong bansa.
Sa kasalukuyan, prayoridad munang bigyan ng vaccine certificate ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) at iba pang international travelers.
Ayon kay Dr. Roberto Salvador ng Bureau of Quarantine, soft launch pa lamang aniya ang ginawa nila ngayon at inaasahan aniya ang full implementation nito sa Oktubre.
Magugunitang nabulabog ang pamahalaan matapos papasukin sa Hongkong ang mga OFW kahit sila’y bakunado na dahil iba-iba ang disenyo ng kanilang vaccine cards.