Dumistansya si Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa anumang koneksyon niya sa mga sangkot sa pagnanakaw ng 81 million dollars sa Bangladesh Central Bank.
Binigyang diin ni Aguirre na hindi siya ninong o protektor ng pamilya ni casino junket operator Kim Wong na una nang umaming nakatanggap ng tatlumput limang (35) milyong dolyar mula sa nanakaw na pera ng Bangladesh noong February 2016.
Iginiit rin ni Aguirre na hindi dumaan sa kanya ang kahit anong resolusyon na may kinalaman sa Bangladesh bank heist.
Matatandaan na nakuha ang 81 million dollars na pera ng Bangladesh mula sa Federal Reserve Bank sa New York City sa pamamagitan ng di umano’y hackers mula sa China at nailipat ito sa apat (4) na accounts sa RCBC Branch sa Makati City.
Nailabas ang pera at ipinakalat di umano sa casino industry upang malinis o ma -launder.
Matapos aminin sa senado na nakatanggap ng perang galing sa nakaw ay isinoli ni Kim Wong sa Bangko Sentral ang mahigit sa P250-M.
By Len Aguirre