Nagtalaga si Justice Secretary Vitaliano Aguirre ng Officer-in-Charge sa BuCor o Bureau of Corrections kasunod ng pagbibitiw ni dating Director General Benjamin Delos Santos.
Sa ilalim ng Department Order 477 ni Aguirre, itinalaga nito si Rey Raagas na pinuno ng administrative division ng BuCor para pansamantalang pamunuan ang ahensya.
Inatasan ng kalihim si Raagas na tutukan ang day-to-day operations sa BuCor partikular ang tungkulin ng isang director general upang hindi mabalam ang operasyon habang wala pang nahihirang na bagong pinuno.
Matatandaang una na nang sinabi ni Aguirre na irerekomenda niya kay Pangulong Rodrigo Duterte si Dangerous Drugs Board Chairman Dionisio Santiago para pumalit kay Delos Santos.
- Meann Tanbio